Isang litro ng mamahalin at mabangong langis ang ipinahid ni Maria ng Betania sa mga paa ni Jesus. Buhok naman niya ang ginamit niyang pantuyo sa mga ito. Isa itong kahanga-hangang pagpapakita ng debosyon at pagmamahal kay Jesus na malugod naman Niyang tinanggap.
(Click: Readings for Monday of Holy Week)
Naiskandalo dito si Judas. Sana ay ipinagbili na lang daw ang langis upang makatulong sa mga mahihirap. Hindi man ito ang tunay na pakay ni Judas, hindi rin naman tinanggi ni Jesus ang halaga ng sinabi niya. Mahalaga ang pagtulong sa mga mahihirap. Ngunit binigyang diin ni Jesus na mahalaga rin ang pagpapakita ng pagmamahal sa Kanya. Nagsalita rin si Jesus ukol sa paglilibing sa Kanya, kaya't sa Ebanghelyo ngayon ay tila naihahanda na tayo sa darating na liturhikal na paggunita ng Kamatayan ni Jesus.
Marahil labis ang ipinakitang debosyon at pagmamahal ni Maria kay Jesus, ngunit hindi ba't marapat lamang ang todo bigay na pagtugon sa todo bigay ring pagmamahal ni Jesus sa atin na ipinakita Niya sa kamatayan Niya? Ang pagbuhos ng isang litrong mamahaling langis sa paa ni Jesus, kung tutuusin, ay hindi maikukumpara sa pagbuhos o pagdanak ng Banal na Dugo ng ating Panginoon. Ngunit ito ay napakaganda pa ring halimbawa ng pagmamahal sa Diyos na walang hesitations at walang holding back. Isang litrong mamahaling langis yun, imagine?
Sa ating Ebanghelyo ngayon ay nabanggit din si Lazaro, ang kaibigang binuhay na muli ni Jesus. Tila pagtanaw rin ito sa mga alam na nating magaganap pagkatapos ng Kamatayan ni Jesus. Generous ang Diyos dahil binigay Niya sa atin si Jesus upang mamatay at magbigay buhay sa atin.
Katulad ni Maria, Marta at Lazaro sa Ebanghelyo natin ngayon, nawa ay maging magiliw din tayo sa ating Panginoong Jesus. Huwag nawa nating ipagkait sa Kanya ang mga the best na maaari nating ibigay: ang ating sarili, ang ating pananampalataya at pagtalima sa kalooban ng Ama tulad ng ginawa Niya, at ang ating pakikiisa sa todo bigay Niyang pagmamahal. Huwag rin nawa tayong maging madamot sa pagbibigay sa kapwa at sa Simbahan, ang Kanyang Katawang Mistiko kung saan tayo ay bahagi rin naman.
Kung handa rin tayong magbuhos ng isang litrong mamahalin at mabangong langis, sa buong mundo ay kakalat ang bango ni Jesus at ng Kanyang Simbahan!
Kung handa rin tayong magbuhos ng isang litrong mamahalin at mabangong langis, sa buong mundo ay kakalat ang bango ni Jesus at ng Kanyang Simbahan!
No comments:
Post a Comment