Sa Unang Pagbasa pa lang ay nakakapangilabot na ang mga naririnig natin. At alam natin kung sino ang tinutukoy nito, si Jesus na nakabayubay sa krus. Sa Ebanghelyo, maririnig natin ang mahabang salaysay ng paghihirap ni Jesus: mula sa pagtataksil ni Judas, pag-iwan sa Kanya ng mga alagad Niya, pagtatwa sa Kanya ni Pedro, walang katarungang paglilitis sa Kanya, paghahagupit, panlilibak, pagbubuhat Niya ng krus hanggang sa kamatayan Niya sa krus.
Nakabaling ang atensyon natin ngayon sa Banal na Krus kung saan nakapako si Jesus na Manunubos. Kung tutuusin, karaniwan na ang makakita ng krus sa atin, kahit sa mga hindi Kristiyano. Ngunit kung mamasdan natin ito, namamangha pa ba tayo? Nangingilabot pa ba tayo sa harap ni Jesus na sugatan at nakapako? Nagdurugo pa ba ang ating mga puso sa imahe ni Jesus na namatay dahil sa ating mga kasalanan?
Pagkamatay ni Jesus ay bumuhos pa ang dugo at tubig mula sa Kanya dahil sa pagkakasibat sa Kanya. Ayun si Jesus, patay at said ang dugo at tubig sa buong katawan, all because He loves us. Pero madalas, kapag nahirapan tayo sa buhay, at minsan kahit maliit na bagay lang ang problema, nagdududa na tayo sa kabutihan at pag-ibig ng Diyos!
Ang Kristiyano, katulad ni Jesus, marunong magpasan ng krus. Katulad ni Jesus, dapat niyayakap natin at hinaharap ang mga hamon ng buhay na puno ng pananampalataya. Ang mga paghihirap natin sa buhay ay mga pagkakataon upang makiisa sa paghihirap ni Kristo at makatulong sa ating kapwang nagdurusa. Sa paghihirap at Kamatayan ni Jesus, niligtas Niya ang lahat. Tayo rin ay inaasahang makiisa sa nakapagliligtas na Paghihirap at Kamatayan ni Jesus.
Fasting and Abstinence Day! Ang Friday of the Lord's Passion po ay araw ng fasting and abstinence. Ito'y bilang pakikiisa nga sa Paghihirap at Kamatayan ni Jesus. Fasting means isang full meal lamang ang allowed sa araw na ito, at dalawang smaller meals na hindi hihigit sa full meal when added. Abstinence means bawala ang karne. See: (Code of Canon Law)
No comments:
Post a Comment