Ang Palm Sunday of the Passion of the Lord, o ang Linggo ng Palaspas ang simula ng mga banal na araw ng Semana Santa. Sa araw na ito ay tradisyunal na binabasbasan ang mga palaspas. Ito ang ating liturhikal na pag-alala sa maringal na pagpasok ni Jesus sa Jerusalem upang harapin ang Kanyang takdang oras.
(Click: Readings for Palm Sunday)
Kakaiba si Jesus, ano? Alam Niya kung ano'ng mangyayari sa pagpasok Niya sa Jerusalem: mamamatay Siya. Pero hindi Siya umatras. Sa pagpasok Niya ay niluwalhati Siya ng mga tao. Nagpugay sila at nagwagayway ng mga palaspas sa Kanya. Iyon ay sandali ng tagumpay, luwalhati at labis na papuri mula sa puso ng mga tao. Ika nga ni Jesus, kung tumahimik ang mga tao, ang mga bato mismo ang mag-iingay at ang mga ito marahil ang aawit ng luwalhati.
Ano nga ba ang kaluwalhatian ni Jesus? Ang sagot ay nasa ikalawang Ebanghelyo para sa araw na ito: ang Passion narrative o ang kwento ng Paghihirap at Kamatayan ni Jesus. Pinagdugtong ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa ang dalawang Ebanghelyo natin ngayon. Ipanaliwanag niya ang labis na pagpapakababa ni Jesus na bukod sa nagkatawang-tao ay malugod pang tumanggap ng isang masaklap na kamatayan. Ang kamatayan ni Jesus ang Kanyang luwalhati. Ang oras ng Kanyang paghihirap ay ang Kanyang oras.
Marami tayong matututunan kay Jesus sa Kanyang pagsunod sa kalooban ng Ama "hanggang kamatayan". Una at higit sa lahat, natututunan natin kung paano magmahal ang Diyos. Ang Diyos ay todo bigay kung magmahal. Kahit Anak Niya ay 'di Niya ipinagkait, mailigtas lamang tayo! Bilang mga Kristiyano, inaasahan tayong magmahal tulad ng ginawa ng Diyos: todo bigay, mapagpatawad at naghahangad ng ikabubuti ng minamahal.
Matututunan din natin kay Jesus ang halaga ng paghihirap. Karaniwang iniiwasan ngayon ang paghihirap. Kahit nga ang pagtayo upang ilipat ang channel ng TV ay iniiwasan na. Ngunit si Jesus, katulad ng Suffering Servant sa Unang Pagbasa, ay malugod na nagpaubaya sa mga nagpahirap sa Kanya. Itinakwil Siya ni Judas, iniwan ng lahat ng Apostoles, nilitis nang walang hustisya at pinako sa krus sa gitna ng mga panlilibak. Kahit ang kawawang magnanakaw na nakapako ring tulad Niya ay nilibak Siya! Pero tinanggap ito ni Jesus dahil sa sukdulang pagmamahal Niya sa atin. Tayo rin, sa ating pagyakap sa mga paghihirap sa buhay, ay maaaring makiisa sa mga paghihirap ni Jesus. Lahat ng munting sakripisyo natin para sa ating Diyos, mga kamag-anak, kaibigan at kapwa ay maaari nating isama sa mapagligtas na mga pasakit na dinanas ni Jesus.
Hinahamon tayo ng pagdiriwang natin ngayon, at higit lalo ng mga liturhiya sa mga darating pang araw ng Semana Santa, na magmahal nang tulad ni Jesus at magsakripisyo tulad Niya. Ang mga palaspas na ginamit sa pagpupuri ay mabilis natutuyo. Kaya naman ang mga Hudyo mismong nagsigawan ng papuri kay Jesus ay sila ring sumigaw upang pilit Siyang maipapako sa krus. Tayo na may hawak ng palaspas ngayon, hahayaan ba nating malanta o matuyo rin agad ang pagmamahal natin sa Diyos at sa kapwa? O baka naman ngayon pa lang ay tuyo na ang pag-ibig natin.
Sakto ang panahon ng Semana Santa upang muling panariwain ang pagmamahal natin sa Diyos at sa kapwa. Lumapit tayo sa Diyos, sa mga Banal na Sakramento ng Kumpisal at Misa. At lumapit din sa ating kapwa at mahalin sila, gaya ng pagmamahal ni Jesus sa atin.
ISANG PINAGPALANG SEMANA SANTA SA ATING LAHAT!
No comments:
Post a Comment