Wednesday, February 27, 2013

Sa Piling ng Panginoon


"Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas
sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo.” (Exodo 3:5)

            Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at Siya ang lumikha ng lahat ng bagay na umiiral. Siya ay lubos na banal at dapat pag-ukulan ng paggalang. Maging ang mga tao at bagay na nauukol sa Kanya ay dapat ring igalang. Sa Biblia, inutusan ng Diyos si Moises na tanggalin niya ang kanyang mga panyapak dahil banal raw ang lupang kinatatayuan niya. Sa Tabernakulo, namatay sa apoy ang mga paring lumapastangan sa banal na ritwal na iniutos ng Diyos. Sa Bagong Tipan naman ay tinaboy ni Jesus ang mga magulong mangangalakal sa harap ng banal na templo. Malinaw na nahihiwalay ang mga bagay na banal, ang mga bagay na nauukol sa Diyos, sa mga bagay na karaniwan.

            Ang Diyos at ang mga bagay na nauukol sa Kanya ay tunay ngang dapat bigyan ng paggalang. Siya ang Kataas-taasan, iginagalang, nakaluklok sa Kanyang trono at dapat sambahin ng sangnilikha.

            Ngunit sa pagbukas natin ng mga unang pahina ng Bagong Tipan, isang nakagugulat na pangyayari ang ating matutunghayan. Ang Kataas-taasang Diyos, ang iniisip nating nasa langit ay nagpakababa. Pinakita Niyang hindi lamang Siya ang Diyos na “naroon sa kaitaasang langit”; Siya ay Diyos na malapit sa atin at sumasaatin. Naging tao ang Diyos at isinilang Siya ng isang babaeng nagngangalang Maria sa isang sabsaban. Anupa’t nakipamuhay nga ang Diyos kasama ng taong Kanyang nilikha.

            Sa pagkakatawang-tao ng Diyos na si Jesus ay inilagay Niya ang Kanyang sarili sa posibilidad na mabastos dito sa mundo. Gayunpaman ay naparito pa rin Siya dahil sa labis Niyang pagmamahal sa atin. Ngunit iyon na nga ang nangyari. Naparito Siya ngunit hindi Siya iginalang ng mundo. Bagkus ay kinamuhian Siya nito at sa kahuli-huliha’y pinatay. Ito ang isinukli ng mundo sa Diyos na sa labis na pagmamahal sa atin ay nagpakababa at naparito sa ating piling.

         Gayunpaman, nananatili ang espesyal na presensya ni Jesus sa mga kaibigan Niyang nanalig at nanatiling matapat sa Kanya. Bago Siya lumisan ay iniwan Niya sa kanila at sa atin ang isang katangi-tanging paraan upang mapasaatin Siya. Ito ay ang Eukaristiya o ang Banal na Misa. Sa bawat Misang pinagdiriwang natin, si Jesus ay sumasaatin sa isang espesyal na paraan. Oo, alam nating ang Diyos ay nasa lahat ng dako. Ngunit ang Misa ay katangi-tangi sapagkat dito ay nakikita ng ating sariling mga mata, sa tulong ng pananampalataya, ang Panginoong Jesus sa anyo ng tinapay. Ang tinapay at alak ay hindi lamang mga simbolo. Ang mga ito’y tunay na nagiging Katawan at Dugo ni Kristo sa Misa. Sa pagtaas ng pari sa tinapay at alak, nababago ito at nagiging si Kristo, bagamat tinapay at alak pa rin ang nakikita natin.



        Sa bawat Misa ay naisasa-ngayon ang nakapagliligtas na kamatayan ni Jesus. Hindi nauulit ang kamatayan ni Jesus, ngunit tunay na nadadala ito sa kasalukuyang panahon. Nagaganap sa ating harapan, at hindi lamang basta inaalala, ang kamatayan at ang buong Misteryo Paskal ni Jesus na isang beses lamang nangyari at tinatamasa natin ang kaligtasang dulot nito sa pagtanggap sa Kanya sa Banal na Komunyon. Ang lahat ng ito ay dahil lubos tayong mahal ng Diyos.

            Nakalulungkot nga lamang isipin na, tulad sa Kanyang pagkakatawang-tao, sa pagsaatin ni Jesus sa anyo ng tinapay ay muling nagkakaroon ng posibilidad na hindi Siya mabigyan ng karampatang paggalang. At nangyayari nga ito, lalo na sa panahon natin ngayon. Lalo pang nakalulungkot malaman na hindi lamang mga taga-ibang relihiyon ang lumalapastangan kay Jesus sa Eukaristiya. Maging ang ilan sa ating mga Katoliko ay hindi rin nakapagbibigay-galang kay Jesus, sinasadya man natin o hindi.

            Kung ating papansinin, marami sa mga gamit at ritwal sa ating Misa at sa mga liturhikal na gawaing kaugnay nito ay naglalayong mabigyang paggalang si Jesus na totoong sumasaatin sa anyo ng tinapay. Lumuluhod tayo kapag tinataas ng pari ang tinapay at alak dahil sa sandaling iyon nababago ang tinapay at alak at nagiging si Jesus. Ipinapatong ang kalis at lahat ng sisidlang naglalaman ng hostia sa isang espesyal na telang tinatawag na corporal upang dito mahulog ang mga maliliit na piraso ng hostia dahil ang mga ito’y nananatiling Katawan ni Kristo. Itinatago natin ang mga konsagradong hostia sa maringal na sisidlang tinatawag na tabernacle at pinananatili nating may sindi ang isang vigil lamp sa tabi nito bilang pagkilala sa presensya ni Jesus. Inilalagak din ang isang konsagradong hostia sa loob ng Adoration Chapel upang mabigyan tayo ng pagkakataong makapiling, igalang at sambahin si Jesus at idulog sa Kanya ang ating mga panalangin.



            Ngunit hindi lamang ang mga pari at ministro ang may tungkuling tiyakin na nabibigyan ng karampatang paggalang si Jesus sa anyo ng tinapay. Bilang mga mananampalataya ay mayroon din tayong mga dapat tandaan at gawin bilang paggalang sa Kabanal-banalang presensya ni Jesus sa Eukaristiya.

            Una, dapat nating ugaliing magsimba tuwing Linggo at pistang pangilin. Sa tuwing hindi tayo nagsisimba kapag Linggo ay hindi natin pinapansin ang paanyaya ni Jesus na makapiling Siya sa Eukaristiya. Pag-ibig ang dahilan kung bakit itinatag ni Jesus ang Sakramento ng Eukaristiya; nais Niya tayong makaisa. Ang pagdalo natin sa Misa nang may pag-ibig ang hinihintay na tugon ni Jesus mula sa atin.



            Ikalawa, hindi tayo dapat tumanggap ng Komunyon kung tayo ay nakagawa ng kasalanang mortal. Dapat ay tanggapin muna natin ang pagpapatawad ng Diyos sa Sakramento ng Kumpisal bago tayo tumanggap ng Komunyon. Simple lamang ang dahilan nito. Hindi tayo karapat-dapat na tanggapin si Jesus kung mayroon tayong kasalanang mortal. Ang mga maliliit na kasalanan natin ay maaaring mapawi sa Misa. Ngunit ang mga kasalanang mortal ay dapat ikumpisal bago tanggapin si Jesus sa Komunyon. Dapat ay malinis ang ating mga puso bago natin patuluyin si Jesus dito.


            Ikatlo, hindi tayo dapat kumain o uminom, liban ng tubig o ng mga gamot, isang oras bago tumanggap ng Komunyon. Ito’y isa ring paraan ng paghahanda ng sarili sa pagtanggap kay Jesus. Sa pag-aayuno bago ang Misa ay naipapahayag natin ang pakikiisa sa paghihirap ni Jesus na siyang inaalala natin at sumasaatin sa Misa. Bukod dito, sa pag-aayuno ay nabibigyang halaga natin si Jesus bilang Tinapay ng Buhay na kaiba sa karaniwang pagkain.

            Ikaapat, dapat tayong magsuot ng disente at tamang kasuotan sa simbahan. Marami nang nakapaskil na paalala sa paligid ng simbahan ukol sa tamang pananamit kapag nagsisimba, ngunit marami pa rin ang sumusuway dito. Ang simbahan ay lugar kung saan sumasaatin ang presensya ng Diyos sa Banal na Eukaristiya. Kaya’t sana ay manamit tayo ng naaayon sa karangalan ng Banal na Misang pinagdiriwang natin. Kung sa mga pormal na okasyon ay inaayos natin ang ating mga sarili upang maging kaaya-aya sa mga taong kakaharapin natin, higit tayong dapat manamit nang maayos sa pagpunta sa simbahan dahil Diyos ang kakaharapin natin dito. Iwasan sana natin ang pagsusuot ng shorts, mini skirts, sando, sleeveless, backless, plunging necklines, sombrero, sinelas at iba pang hindi nararapat sa loob ng simbahan. Sabihin man nating panlabas na bagay lang ang pananamit, sinasalamin pa rin nito ang malalim na paggalang at pagmamahal natin kay Jesus.


Sa Filipino: "Ito ay bahay ng Diyos at pintuan ng langit."
            Ikalima, higit na mainam kung sa Komunyon ay tatanggapin natin si Jesus sa bibig at hindi sa kamay. Mas maipapakita natin ang paggalang kay Jesus kung ito ang gagawin natin. Sa pamamagitan ng Komunyon sa bibig ay mas maiiwasan natin ang mga paglapastangan sa Banal na Eukaristiya. Sa Tradisyon ng Simbahan, ang pari lamang at ang mga ministro ang maaaring humawak sa mga konsagradong hostia. Bukod pa rito, itinuturo ng Simbahan na ang bawat bahagi ng konsagradong hostia, kahit ang mga maliliit na mumong nahuhulog mula rito, ay buong Katawan ni Kristo pa rin. Ito ang dahilan kung bakit humahawak ng Communion plate ang mga altar servers sa Komunyon – upang saluhin ang mga maliliit na bahagi ng konsagradong hostia na Katawan pa rin ni Kristo. Sa pagtanggap natin ng Komunyon sa pamamagitan ng kamay, may posibilidad na mahulog na lamang natin ang mga maliliit na bahaging ito; sa gayon ay nalalapastangan natin si Kristo, hindi man natin sinasadya. Kaya’t mas mabuti kung tatanggap tayo ng Komunyon sa bibig at hindi sa kamay. Maganda ring ugaliin ang pagtanggap ng Komunyon nang nakaluhod. Ang pagluhod ay isang napakagandang tanda ng paggalang kay Jesus, at patunay ng ating matibay na paniniwala na Siya nga ang tinatanggap natin. 



            Ikaanim, magandang ugaliin natin ang magdasal kay Jesus sa Adoration Chapel. Doon ay makakapiling natin si Jesus nang harapan at maiaalay natin sa Kanya ang lahat ng ating pasasalamat at mga panalangin. Pagkakataon din natin iyon na humingi ng kapatawaran kay Jesus para sa mga pagkakataong hindi natin pinapansin ang Kanyang presensya sa Banal na Eukaristiya at para sa mga paglapastangan sa Kanya sa sakramentong ito, tayo man ang gumawa o ibang tao.



            Ilan lamang ang mga ito sa mga paraan ng pagmamahal at paggalang kay Jesus na sumasaatin sa Eukaristiya. Nawa ay isapuso at isagawa natin ang mga ito.

            Labis ang pagmamahal sa atin ng Diyos kaya’t pinagkaloob Niya sa atin ang Eukaristiya upang makapiling natin Siya at matamasa natin ang kaligtasang dulot Niya. Nawa ay ibigay natin sa Kanya ang nararapat na paggalang. Huwag nating suklian ng kawalang paggalang ang ginagawang pagpapakababa ni Jesus upang mapasaatin lamang Siya sa Misa. Ang mga munting hakbang na nagpapakita ng paggalang kay Jesus ay hindi lamang dapat gawin dahil natatakot tayo sa Diyos o dahil iniuutos sa atin ito. Ang mga ito ay dapat ginagawa nang may pagmamahal, dahil ang Diyos ang naunang nagmahal sa atin. Pag-ibig at paggalang lamang ang tamang tugon sa pag-ibig at kaligtasang dala ni Jesus sa Eukaristiya.

Author's note: Ang article na ito ay unang nailathala sa newsletter ng isang parokya sa Makati na sakop ng Archdiocese of Manila.

No comments:

Post a Comment