Wednesday, March 27, 2013

SEMANA SANTA: Miyerkules Santo

Habang papalapit na ang Easter Triduum, heto na naman si Judas, umeeksenang muli sa ating Ebanghelyo ngayon. Bago pa man ang Triduum, tila pinapaalala sa atin ng Ebanghelyo ang dahilan ng Pagpapahirap kay Jesus. Oo, given na na mahal tayo ng Diyos. Pero isa pang dahilan nito ang kasamaan ng tao.


Click: (Readings for Wednesday of Holy Week)

Sa mga huling araw ng Kuwaresma, na magtatapos bukas ng hapon, ay ipinakita sa atin ang kasalanang naging mitsa ng lahat: ang pagtatraydor ng isa sa mga Apostol ni Jesus. Ang tinuring na kaibigan ni Jesus, ang hinugasan Niya ng paa, ang pinagkatiwalaan ng grupo nila sa kanilang salapi ay nagkanulo kay Jesus sa halagang 30 pirasong pilak. Ngunit ito man ang naging mitsa upang magsimula ang paglilitis at pagpapahirap kay Jesus, hindi ito ang nag-iisang kasalanang tunay na sanhi ng Kamatayan ni Jesus. Ang pag-aalay ng buhay ng ating Panginnon ay para sa kasalanan ng lahat ng tao, para sa kasalanan ko, sa kasalanan mo na nagbabasa ngayon, at sa kasalanan nating lahat. Kay Judas, 30 pirasong pilak, pero tayo, tuwing nagkakasala tayo kay Jesus, ano ang presyo natin? Kapangyarihan? Pera? Saglit na pagpapakasarap? Kasikatan?

Labis nga talaga ang pagmamahal ng Diyos sa atin! Para sa tao, mahirap mag-alay ng buhay para sa minamahal; lalo namang mahirap at halos imposibleng gawin ito para sa taong kaaway mo o nananakit sa 'yo. Pero "ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin NOONG TAYO'Y MAKASALANAN PA. (Rom 5:8)" Biruin mo, mga traydor tayong lahat dahil sa ating mga kasalanan, pero namatay si Jesus para sa atin?

Oo, nandyan na yung pagninilay natin sa dakilang pag-ibig ng Diyos. Ngunit walang saysay ang "Thank you Lord for dying for me" kung wala tayong effort na tingnan ang ating mga kasalanan, iwaksi ang mga ito at magbalik-loob sa Kanya. Namatay si Jesus upang dulutan tayo ng kaligtasan mula sa pagkaalipin sa kasalanan, sana tikman natin ito at lasapin, lalo na sa mga Banal na Sakramento ng Kumpisal at Misa. Kapag hanggang "Thank you" lang tayo, para lang tayong hinainan ng masarap na piging pero hindi rin naman kumain.

Huwag tayong tumulad kay Judas na nawalan ng pag-asa sa awa ng Diyos. Pagnilayan natin ang ating mga kasalanan at magbalik-loob sa Kanya. After all, yun nga ang dahilan kung bakit Siya namatay: upang makita natin ang epekto ng ating mga kasalanan (ang Kamatayan Niya) at madulutan tayo ng kaligtasan!

No comments:

Post a Comment