Saturday, April 6, 2013

May Awa ang Diyos!



Matagumpay ang ating Panginoon! Maluwalhati Siyang nagpakita sa Kanyang mga alagad at pumasok sa kanilang silid kahit na nakakandado ito. Dala ng matagumpay nating Panginoon ang kapayapaan para sa Kanyang mga alagad na marahil ay takot at naubusan ng pag-asa sa mga nangyari sa tinuturing nilang Guro.

Sa kabila ng mga pagkukulang ng mga alagad Niya, may awa ang Diyos! Ipinagkaloob ni Jesus sa kanila ang Kanyang "hininga", ang Kanyang bagong buhay, ang Kanyang Espiritu. Kalakip nito ang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan sa ngalan Niya. Kung paanong natamasa nila ang awa at pagpapatawad ni Jesus, sila naman ang ginawang tagapagbahagi ng awa at pagpapatawad ng Panginoon sa iba.

Kung noong bago Siya mamatay ay tinatag ni Jesus ang Banal na Eukaristiya, sa Kanyang Muling Pagkabuhay naman ay tinatag ni Jesus ang sakramento ng Kumpisal, ang sakramento ng Kanyang Awa. Sa sakramentong ito, sumasalok ang mga Apostol, at sa panahon ngayon, ang mga kaparian, mula sa 'di mauubos na Awa ni Jesus, mula sa mga merito ng pagdanak ng Dugo ni Jesus at ng Kanyang Kamatayan, at idinudulot nila sa atin ang kapatawarang bunga nito.

Ang tindi ng awa ni Jesus! Kapayapaan at kapatawaran ang dala Niya sa atin matapos gawin sa Kanya ng mundo ang pinakamalupit na kasamaan, matapos Siyang iwan ng mga Apostoles at itatwa ni Pedro! Sa krus, wala Siyang tinira sa sarili Niya. Nasaid para sa atin ang lahat ng Dugo at Tubig mula sa Kanya. All this dahil sa Kanyang awa sa atin at pagnanais Niyang iligtas tayo. Gaano man kalaking kasalanan ay mapapatawad ni Jesus, basta totoo tayong nagsisisi  at lumalapit sa sakramento ng Kumpisal. Wag nawa tayong matulad kay Santo Tomas Apostol na sa sobrang lungkot ay nawalan na ng pag-asa sa Muling Pagkabuhay. Buhay si Jesus at dahil doon, may pag-asa tayo na mabubuhay tayong muli mula sa pagkamatay sa kasalanan! May awa ang Diyos! Magtiwala lang tayo na kaya Niya tayong patawarin.

Gayunpaman, hinahamon tayo ng dakilang awa ni Jesus na magpursige sa kabutihan. Hindi tayo dapat maging lax sa ating buhay Kristiyano. Hindi porke't may awa ang Diyos ay hindi na rin tayo magsusumikap maging mabuti. Nariyan ang Kumpisal upang matamasa natin ang awa ng Diyos tuwing nadadapa tayo. Pero ang awa ng Diyos rin ang dapat magbigay-lakas sa atin na lumago sa pananampalataya at pagsasabuhay nito. Ang awa ng Diyos ang dapat maging sanggalang natin laban sa tukso na muling magkasala. Walang masama sa paulit-ulit na pangungumpisal. Ngunit dapat ay may paglago tayo sa bawat paglapit natin sa sakramentong ito, paglago "sa tulong ng mahal na grasya" at awa ni Jesus.

May awa ang Diyos! Nawa ang awa at kapayapaan ng Muling Nabuhay na Panginoon ay sumaatin, patawarin tayo at palakasin sa buhay Krsitiyano. At nawa'y suklian natin ng tiwala ang awa ng Diyos. Inihahain na sa atin ni Jesus ang lahat, lalo na sa mga banal na sakramento ng Kumpisal at Eukaristiya. Ang kulang na lang ay lumapit tayo sa Kanya, puno ng pananalig sa Panginoon at Diyos natin, tulad ng ginawa ni Santo Tomas Apostol. Magtiwala tayo, manalig at makikita natin Siya, makikita natin ang mga sugat Niya. Sa huli ay masasabi nga natin, "May awa ang Diyos!"

Indulgence Alert! May special indulgence na maaaring makamtan sa araw ng Divine Mercy Sunday. Ipinagkaloob ni Pope John Paul II ang plenary indulgence, under the usual conditions (Confession, Communion and Prayer for the Pope's intentions), sa mga makikiisa sa mga panalangin o debosyon in honor of Divine Mercy sa anumang simbahan o kapilya. Ipinagkakaloob din ito sa mga magdarasal ng Our Father, Creed at invocation sa Mahabaging si Jesus (halimbawa: Merciful Jesus, I trust in you!) sa harap ng exposed or reserved Blessed Sacrament.

No comments:

Post a Comment