Showing posts with label Holy Thursday. Show all posts
Showing posts with label Holy Thursday. Show all posts

Thursday, March 28, 2013

SEMANA SANTA: Huwebes Santo

CHRISM MASS

Sa umaga ng Huwebes Santo ay pinagdiriwang ang Chrism Mass kung saan binabasbasan ang Chrism oil na ginagamit sa Binyag at iba pang mga sakamento, at ang Oil for the Sick na ginagamit sa Anointing of the Sick. Dahil ipinagdiriwang lamang ng obispo, nakikita sa Chrism Mass ang communion ng mga pari sa kanilang obispo.

Cardinal Tagle celebrating the Chrism Mass 2013.

Sa Chrism Mass din ginagawa ng mga pari ang Renewal of Priestly Vows nila, dahil sa Holy Thursday ay tinatag ni Jesus ang Sakramento ng Pagpapari o Banal na Orden, kasabay ng pagtatatag ng Eukaristiya.

Ang mga pagbasa sa Chrism Mass ay sumesentro sa anointing at pagiging "The Anointed One" ni Jesus. Si Jesus ang Kristo, ang "anointed". Siya ang Mesiyas na sinugo ng Diyos upang iligtas ang tao sa kasalanan. Siya ay haring naglilingkod, propetang nagtuturo ng katotohanan at paring nag-aalay ng sarili Niyang buhay.

Tayong lahat, bilang mga nabinyagan, ay napahiran ng Banal na Krisma, tanda na tayo ay kay Kristo na. Nakikiisa rin tayo sa misyon ni Kristo bilang hari na lumulupig sa ating sariling mga kahinaan, propetang ipinahahayag si Kristo sa panahong ito, at pari na nag-aalay ng ating sarili bilang pakikiisa sa pag-aalay ni Jesus na sumasaatin sa Banal na Misa. Tayo ay kay Kristo at nakikiisa sa misyon ni Kristo. Saanman tayo namumuhay at nakikisalamuha sa iba, Kristiyano tayo at hindi nabubura iyon; kaya't dapat tayong mabuhay bilang Kristiyano.

Ang mga pari, na binyagan na rin naman bago pa ma-ordinahan, ay muling pinapahiran ng Banal na Krisma bilang simbolo ng "anointing of the Holy Spirit" para sa kanilang gawain bilang pari. Kabahagi sila sa pagkapari ni Kristo kaya't sila ang nagdudulot sa atin ng mga banal na sakramento, lalo na ng Kabanal-banalang Sakramento ng Misa kung saan si Kristo mismo at ang Kanyang Misteryo Paskal ang dinudulot nila sa atin.

EVENING MASS OF THE LORD'S SUPPER

Sa pagpatak ng gabi ng Huwebes Santo, nagsisimula na ang Easter Triduum, ang rurok ng ating kalendaryong liturhikal kung saan pinagdiriwang natin ang Misteryo Paskal: ang Paghihirap, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Jesus.

Click: (Readings for Evening Mass of the Lord's Supper)

Huwebes ng gabi, bago Siya mamatay ay iniwan sa atin ni Jesus ang isang dakilang regalo: ang Banal na Eukaristiya. Sa Huling Hapunan nila ay itinatag ni Jesus ang Banal na Misa. In fact, ang Huling Hapunan ay ang unang Banal na Misa kung saan dinulot ni Jesus ang Kanyang sarili at ang Misteryo Paskal sa Kanyang mga Apostoles kahit hindi pa man nagaganap ang Kanyang kamatayan.


Mula kay Jesus sa Eukaristiya at mula sa Kanyang halimbawa ay nakukuha natin ang lakas upang maglingkod. Sa ating Ebanghelyo sa gabi ng Huwebes Santo, hinugasan ni Jesus ang paa ng Kanyang mga alagad. Ano ang ibig Niyang iparating dito? Kung Siya na tinuturing nating Panginoon ay marunong magpakababa at maglingkod, dapat tayo rin matutong maglingkod sa ating kapwa. Isa itong paalala na ang tunay na paglilingkod ay para sa ikabubuti ng pinaglilingkuran, hindi para sa sariling pakinabang.

Mula sa ginawa ni Jesus na ito ay tradisyunal ding ginagawa sa Mass of the Lord's Supper ang Washing of the Feet bilang pagpapaalala ng utos ni Jesus na mag-ibigan tayo at maglingkod sa isa't isa.

Kahanga-hanga man, hindi ang paghuhugas Niya ng paa ng iba ang pinakamahusay na patunay ng pagmamahal ni Jesus. Ang Kanyang paghihirap, kamatayan ang muling pagkabuhay ang rurok ng Kanyang paglilingkod sa atin. Sa Eukaristiya ay nakakaharap natin si Jesus: Siya mismo. Ang tinapay at alak ay hindi basta lamang simbolo kundi tunay na presensya ni Jesus! In fact, pagkatapos ng consecration, si Jesus na nga iyon, mukha lamang tinapay at alak.

Hindi ba't kahanga-hanga? Diyos Siya pero naghuhugas ng paa ng mga alagad niya, kahit ng nagtaksil sa Kanya! Diyos Siya pero namatay sa krus para sa ating mga makasalanan! Diyos Siya pero inaangkin Niya ang anyo ng tinapay at alak! Iyan ang tunay na pagmamahal na dapat nating suklian at tularan. Kung Siya nga, todo bigay magmahal, tayo din dapat magmahal sa Kanya at sa ating kapwa.

Pagkatapos ng Communion sa Mass of the Lord's Supper ay irerepose o ililipat sa isang altar ang Blessed Sacrament at nagkakaroon ng vigil. Pagkakataon natin iyon upang makaharap si Jesus at mapagnilayan ang ibang klaseng pagmamahal Niya na pinatunayan Niya sa Banal na Eukaristiya. Nawa ay mahalin natin Siya sa Eukaristiya at tularan ang dakilang pagmamahal Niya.

Indulgence Alert! Ang pag-awit o solemn na pagbigkas ng Tantum Ergo, isang bahagi ng Pange Lingua, ay indulgenced. Plenary indulgence ang kakabit nito kung ito ay gagawin sa Holy Thursday. Makakamit ang indulhensya under the 3 usual conditions (Confession, Receiving Holy Communion and Praying for the Pope's intentions). Inaawit ang Pange Lingua sa reposition ng Banal na Sakramento tuwing Holy Thursday.

Pange Lingua, written by St. Thomas Aquinas




Monday, March 25, 2013

SEMANA SANTA: Martes Santo

Tatlong Apostoles ang highlighted sa ating Ebanghelyo ngayon: Si San Juan, si San Pedro at si Judas. Alam naman natin ang kanilang mga ginampanan sa Passion narrative ni Jesus.

Click: (Reading for Tuesday of Holy Week)


Si Juan ang tinuturing na beloved disciple. Sa Ebanghelyo ngayon ay makikita na tunay na malapit si Juan sa ating Panginoong Jesus. Inilalarawan siya na nakahilig sa dibdib ni Jesus, malapit sa Kanyang puso. Alam natin na hindi lang in terms of space or distance ang pagiging malapit si Juan kay Jesus. Malapit siya sa puso ni Jesus. Siya lamang ang Apostol na hindi umiwan kay Jesus hanggang sa kamatayan Niya. Narinig niya ang pagtibok ng Puso ni Jesus. Nasaksihan niya rin sa Kalbaryo kung paano tumibok ang pusong ito para sa sangkatauhan habang nakapako si Jesus sa krus. Nakita niya kung paanong nasaid ang dugo at kahit ang tubig sa Puso ni Jesus, mula sa buong katawan ng ating Panginoon.

Labis rin ang katapatang ipinakita ni San Juan kay Jesus, habang ipinapamalas ni Jesus ang dakilang pag-ibig Niya sa sangkatauhan sa Kanyang paghihirap. Katapatan at hindi pag-iwan kay Jesus ang tugon ni Juan sa pag-ibig ng ating Panginoon. Sa ating buhay, paano kaya natin tinutugunan ang pag-ibig ng Diyos? Nananatili ba tayo sa tabi Niya? Tuwing nagkakasala tayo ay iniiwan natin Siya. Tayo ang lumalayo sa Kanya.

Si Jesus at ang Kanyang Misteryo Paskal ay nasa Banal na Eukaristiya. Gaano tayo kadalas lumapit sa Kanya sa Banal na Sakramento? Tulad ni San Juan na sumandal sa Puso ni Jesus, sumandal rin nawa tayo sa Banal na Sakramento kung saan napakalapit natin kay Jesus! Sa Panginoong Jesus lamang  tayo makakakuha ng lakas upang maging matapat bilang mga Kristiyano. Lumapit nawa tayo sa Kanya at igalang Siya sa Banal na Eukaristiya.

Si Judas naman ay imahe ng pagtataksil para sa atin. Hindi lamang niya iniwan kundi ipinagkanulo pa si Jesus. At sa huli, sa halip na magbalik-loob ay pinili pa niyang magpakamatay, kaya't natapos ang buhay niya sa isa pang kasalanang mortal. Sa kwento ni Judas, nabibigyan tayo ng babala: ang pagsisisi sa kasalanan ay dapat pinapakita sa pagbabalik-loob, hindi sa paggawa pang muli ng kasalanan. Isang malaking insulto sa Diyos ang hindi pagkilala sa Kanyang awa.

Si San Pedro naman ay binalaan ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon tungkol sa kanyang magiging kasalanan: ang pagtatwa sa Kanya. Ayun siya, bibo at sumasagot kay Jesus na tila ba he's on top of everything that's happening. Tila ba handang handa siyang mag-alay ng buhay para kay Jesus. Ngunit sa sandali ng kagipitan ay tinanggi niyang kilala niya si Jesus! Sa ating buhay, naiipit din tayo sa ilang mga pagkakataong kailangan nating sumagot sa tanong: Kristiyano ka ba? Sana "oo" ang sagot natin dito, sa lahat ng pagkakataon! Hindi pwedeng tanggalin ang pangalan ni Kristo sa ating pagkatao. Kapag walang Kristo sa isang Kristiyano, "ano" na lang ang natitira: simbolo ng pagkalito, kawalan ng Daan, Katotohanan at Buhay. Kristiyano Katoliko nga tayo, pero pagdating sa issue ng same-sex marriage, abortion, contraception at iba pang moral na usapin, kahit sa personal na lebel, nagiging "ano" na lang ang iba sa atin, itinatanggi na kilala nila si Kristo.


Sa kabila ng lahat, ang maganda sa kwento ni San Pedro ay nagsisi siya at nagbalik-loob. Alam niyang napakasaklap ng kasalanan niya. Ang Semana Santa ay isang magandang panahon para magbalik-loob, tulad ni Pedro. Sa Sakramento ng Kumpisal, hinihintay tayo ni Jesus upang magpakumbaba, kilalanin ang ating mga nagawang mali at makipag-ayos sa Kanya. Doon ay mararanasan natin at matututunan na kahit ano pang bigat ng kasalanan natin, mahal tayo ni Jesus at handa Niya tayong patawarin. Nais Niya tayong maligtas, kaya nga Siya namatay dahil doon.

Sa papalapit na Easter Triduum, inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayon na pagnilayan ang ating mga kasalanan at kawalang katapatan, talikuran ang mga ito at magbalik-loob sa Diyos sa Kanyang mga sakramento. Inaanyayahan din tayo ng Inang Simbahan na, tulad ni Juan, maging malapit kay Jesus lagi at samahan Siya sa mga darating na liturhikal na pag-alala ng Kanyang pag-aalay ng buhay para sa atin. Doon ay makikita at maririnig natin ang tibok ng Puso ni Jesus para sa atin, at malalaman natin kung gaano kamahal ang presyo ng ating kaligtasan: ang buhay ng Anak ng Diyos!