Showing posts with label Eucharist. Show all posts
Showing posts with label Eucharist. Show all posts

Saturday, June 1, 2013

Ang Nagpapakain ay Pagkain


Click: (Readings for the Solemnity of the Most Holy Body and Blood of Christ)

Ang tinapay at alak sa Misa ay tunay na nagiging Katawan at Dugo ng ating Panginoong Jesus. Isa ito sa mga mahahalagang katotohanan ng ating pananampalataya. Sa katunayan, ang Eukaristiya ang "source and summit" ng buhay Kristiyano. Bakit? Dahil ang Eukaristiya ay si Kristo mismo!

Sa Unang Pagbasa ngayon ay nag-alay ang paring si Melquisedec ng tinapay at alak. Binasbasan niya si Abram at nagpasalamat sa Diyos dahil sa tagumpay nito. Si Mequisedec ay "prefiguration" ng ating Panginoong Jesus na mag-aalay din ng tinapay at alak sa Huling Hapunan, mga alay na magiging Katawan at Dugo Niya. Sa Salmo nga ngayon, ay inaawit natin na si Jesus ay pari "ayon sa pagkapari ni Melquisedec". Malinaw namang pinaliwanag ni San Pablo ang kaugnayan ng tinapay at alak sa Misa sa Kamatayan ni Jesus o pag-aalay Nito ng sarili.

Tampok naman sa Ebanghelyo ngayon ang pagpapakain ni Jesus sa limanlibong tao. Ang milagrong ito ni Jesus ay paunang pahiwatig din ng misteryo ng Eukaristiya. Sa Misa, iisa lamang ang Jesus na ating tinatanggap, ngunit bawat isang lumalapit sa Komunyon ay tinatanggap Siyang buo. Napakadakila talaga ng Sakramento ng Eukaristiya! Si Jesus mismo, ang Kanyang Katawan, Dugo, Kaluluwa at Pagka-Diyos ang tinatanggap natin tuwing tayo ay nangungumunyon! Kamangha-mangha talaga ang pag-ibig ng Diyos.

Sa Banal na Sakramento ay naidudulot sa atin ni Jesus ang Kanyang Kamatayan at Muling Pagkabuhay. Sa madaling salita, sa Eukaristiya ay nakakaharap natin ang gawaing nakapagliligtas na handog ni Jesus sa atin. Sa Ebanghelyo ngayon ay nakita natin ang pagnanasa ni Jesus to nourish us. Bilang Diyos na mapagmahal ay hindi Niya nais na magutom at mauhaw tayo. Ngunit sa dakilang pag-ibig Niya, sino ba namang mag-aakala na sarili Niya mismo ang ibibigay Niya bilang pagkain para sa ating kaluluwa? Sa Eukaristiya, ang nagpapakain sa atin ay Siya ring pagkain natin. Si Jesus mismo ang pagkaing nagpapalakas sa atin at nagbibigay resistensya upang huwag na muling magkasala at sa halip ay gumawa ng mabuti. Sadyang kahanga-hanga ang Sakramentong ito! Kahanga-hanga si Jesus na lubhang nagmamahal sa atin at nagnanais na lagi Siyang nariyan upang makasama natin.

Dapat rin nating tugunan ang pag-ibig na ito ni Jesus sa Banal na Eukaristiya. Siya na pumapawi sa ating gutom at uhaw ay gutom at uhaw rin mismo sa pag-ibig natin. Patuloy na ninanais ni Jesus na lumapit tayo sa Kanya sa Banal na Sakramento nang may labis na paggalang at pagmamahal sa Kanya. Kung tunay ang ating paniniwala sa Real Presence ni Jesus sa Eukaristiya, dapat tumimo sa ating puso ang kagustuhang laging lumapit sa Kanya sa Komunyon o sa panalangin sa harap ng Banal na Sakramento. (More on this, here.)

Sa Eukaristiya ay nabubuklod din tayo bilang isang komunidad ng mga Kristiyano, sa ating pagsasalu-salo sa iisang Panginoong tinanggap natin. Hamon sa atin bilang mga Kristiyano na maging concerned sa pangangailangan ng bawat isa sa atin, lalo na sa pangangailangan ng mga naghihirap. Di man tayo tulad ni Jesus na naghain ng sarili Niya bilang pagkain, maaari pa rin nating ibigay ang ating sarili sa iba sa pamamagitan ng tunay na pagtulong - pagtulong na may kalakip na pagmamahal at pagbibigay ng lahat ng kaya at maaaring maibigay.

Nawa ay patuloy nating mahalin at sambahin si  Jesus na sumasaatin sa Eukaristiya. Sa pag-aalay Niya ng Kanyang Katawan at Dugo sa Misa ay maisama nawa natin ang pag-aalay ng ating buong sarili upang ang lahat ng aspeto ng buhay natin ay maging isang pag-aalay na kalugud-lugod sa Diyos Ama! Sa huli, nawa ay unti-unti tayong maging tulad ni Jesus na tinatanggap natin.

Indulgence Alert! Ang pag-awit o solemn na pagbigkas ng Tantum Ergo, isang bahagi ng Pange Lingua, ay indulgenced. Plenary indulgence ang kakabit nito kung ito ay gagawin sa Holy Thursday o sa Solemnity of Corpus Christi. Makakamit ang indulhensya plenaria under the 3 usual conditions (Confession, receiving Holy Communion and praying for the Pope's intentions; partial indulgence if the 3 conditions are not fulfilled).


Thursday, March 28, 2013

SEMANA SANTA: Huwebes Santo

CHRISM MASS

Sa umaga ng Huwebes Santo ay pinagdiriwang ang Chrism Mass kung saan binabasbasan ang Chrism oil na ginagamit sa Binyag at iba pang mga sakamento, at ang Oil for the Sick na ginagamit sa Anointing of the Sick. Dahil ipinagdiriwang lamang ng obispo, nakikita sa Chrism Mass ang communion ng mga pari sa kanilang obispo.

Cardinal Tagle celebrating the Chrism Mass 2013.

Sa Chrism Mass din ginagawa ng mga pari ang Renewal of Priestly Vows nila, dahil sa Holy Thursday ay tinatag ni Jesus ang Sakramento ng Pagpapari o Banal na Orden, kasabay ng pagtatatag ng Eukaristiya.

Ang mga pagbasa sa Chrism Mass ay sumesentro sa anointing at pagiging "The Anointed One" ni Jesus. Si Jesus ang Kristo, ang "anointed". Siya ang Mesiyas na sinugo ng Diyos upang iligtas ang tao sa kasalanan. Siya ay haring naglilingkod, propetang nagtuturo ng katotohanan at paring nag-aalay ng sarili Niyang buhay.

Tayong lahat, bilang mga nabinyagan, ay napahiran ng Banal na Krisma, tanda na tayo ay kay Kristo na. Nakikiisa rin tayo sa misyon ni Kristo bilang hari na lumulupig sa ating sariling mga kahinaan, propetang ipinahahayag si Kristo sa panahong ito, at pari na nag-aalay ng ating sarili bilang pakikiisa sa pag-aalay ni Jesus na sumasaatin sa Banal na Misa. Tayo ay kay Kristo at nakikiisa sa misyon ni Kristo. Saanman tayo namumuhay at nakikisalamuha sa iba, Kristiyano tayo at hindi nabubura iyon; kaya't dapat tayong mabuhay bilang Kristiyano.

Ang mga pari, na binyagan na rin naman bago pa ma-ordinahan, ay muling pinapahiran ng Banal na Krisma bilang simbolo ng "anointing of the Holy Spirit" para sa kanilang gawain bilang pari. Kabahagi sila sa pagkapari ni Kristo kaya't sila ang nagdudulot sa atin ng mga banal na sakramento, lalo na ng Kabanal-banalang Sakramento ng Misa kung saan si Kristo mismo at ang Kanyang Misteryo Paskal ang dinudulot nila sa atin.

EVENING MASS OF THE LORD'S SUPPER

Sa pagpatak ng gabi ng Huwebes Santo, nagsisimula na ang Easter Triduum, ang rurok ng ating kalendaryong liturhikal kung saan pinagdiriwang natin ang Misteryo Paskal: ang Paghihirap, Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Jesus.

Click: (Readings for Evening Mass of the Lord's Supper)

Huwebes ng gabi, bago Siya mamatay ay iniwan sa atin ni Jesus ang isang dakilang regalo: ang Banal na Eukaristiya. Sa Huling Hapunan nila ay itinatag ni Jesus ang Banal na Misa. In fact, ang Huling Hapunan ay ang unang Banal na Misa kung saan dinulot ni Jesus ang Kanyang sarili at ang Misteryo Paskal sa Kanyang mga Apostoles kahit hindi pa man nagaganap ang Kanyang kamatayan.


Mula kay Jesus sa Eukaristiya at mula sa Kanyang halimbawa ay nakukuha natin ang lakas upang maglingkod. Sa ating Ebanghelyo sa gabi ng Huwebes Santo, hinugasan ni Jesus ang paa ng Kanyang mga alagad. Ano ang ibig Niyang iparating dito? Kung Siya na tinuturing nating Panginoon ay marunong magpakababa at maglingkod, dapat tayo rin matutong maglingkod sa ating kapwa. Isa itong paalala na ang tunay na paglilingkod ay para sa ikabubuti ng pinaglilingkuran, hindi para sa sariling pakinabang.

Mula sa ginawa ni Jesus na ito ay tradisyunal ding ginagawa sa Mass of the Lord's Supper ang Washing of the Feet bilang pagpapaalala ng utos ni Jesus na mag-ibigan tayo at maglingkod sa isa't isa.

Kahanga-hanga man, hindi ang paghuhugas Niya ng paa ng iba ang pinakamahusay na patunay ng pagmamahal ni Jesus. Ang Kanyang paghihirap, kamatayan ang muling pagkabuhay ang rurok ng Kanyang paglilingkod sa atin. Sa Eukaristiya ay nakakaharap natin si Jesus: Siya mismo. Ang tinapay at alak ay hindi basta lamang simbolo kundi tunay na presensya ni Jesus! In fact, pagkatapos ng consecration, si Jesus na nga iyon, mukha lamang tinapay at alak.

Hindi ba't kahanga-hanga? Diyos Siya pero naghuhugas ng paa ng mga alagad niya, kahit ng nagtaksil sa Kanya! Diyos Siya pero namatay sa krus para sa ating mga makasalanan! Diyos Siya pero inaangkin Niya ang anyo ng tinapay at alak! Iyan ang tunay na pagmamahal na dapat nating suklian at tularan. Kung Siya nga, todo bigay magmahal, tayo din dapat magmahal sa Kanya at sa ating kapwa.

Pagkatapos ng Communion sa Mass of the Lord's Supper ay irerepose o ililipat sa isang altar ang Blessed Sacrament at nagkakaroon ng vigil. Pagkakataon natin iyon upang makaharap si Jesus at mapagnilayan ang ibang klaseng pagmamahal Niya na pinatunayan Niya sa Banal na Eukaristiya. Nawa ay mahalin natin Siya sa Eukaristiya at tularan ang dakilang pagmamahal Niya.

Indulgence Alert! Ang pag-awit o solemn na pagbigkas ng Tantum Ergo, isang bahagi ng Pange Lingua, ay indulgenced. Plenary indulgence ang kakabit nito kung ito ay gagawin sa Holy Thursday. Makakamit ang indulhensya under the 3 usual conditions (Confession, Receiving Holy Communion and Praying for the Pope's intentions). Inaawit ang Pange Lingua sa reposition ng Banal na Sakramento tuwing Holy Thursday.

Pange Lingua, written by St. Thomas Aquinas




Monday, March 25, 2013

SEMANA SANTA: Martes Santo

Tatlong Apostoles ang highlighted sa ating Ebanghelyo ngayon: Si San Juan, si San Pedro at si Judas. Alam naman natin ang kanilang mga ginampanan sa Passion narrative ni Jesus.

Click: (Reading for Tuesday of Holy Week)


Si Juan ang tinuturing na beloved disciple. Sa Ebanghelyo ngayon ay makikita na tunay na malapit si Juan sa ating Panginoong Jesus. Inilalarawan siya na nakahilig sa dibdib ni Jesus, malapit sa Kanyang puso. Alam natin na hindi lang in terms of space or distance ang pagiging malapit si Juan kay Jesus. Malapit siya sa puso ni Jesus. Siya lamang ang Apostol na hindi umiwan kay Jesus hanggang sa kamatayan Niya. Narinig niya ang pagtibok ng Puso ni Jesus. Nasaksihan niya rin sa Kalbaryo kung paano tumibok ang pusong ito para sa sangkatauhan habang nakapako si Jesus sa krus. Nakita niya kung paanong nasaid ang dugo at kahit ang tubig sa Puso ni Jesus, mula sa buong katawan ng ating Panginoon.

Labis rin ang katapatang ipinakita ni San Juan kay Jesus, habang ipinapamalas ni Jesus ang dakilang pag-ibig Niya sa sangkatauhan sa Kanyang paghihirap. Katapatan at hindi pag-iwan kay Jesus ang tugon ni Juan sa pag-ibig ng ating Panginoon. Sa ating buhay, paano kaya natin tinutugunan ang pag-ibig ng Diyos? Nananatili ba tayo sa tabi Niya? Tuwing nagkakasala tayo ay iniiwan natin Siya. Tayo ang lumalayo sa Kanya.

Si Jesus at ang Kanyang Misteryo Paskal ay nasa Banal na Eukaristiya. Gaano tayo kadalas lumapit sa Kanya sa Banal na Sakramento? Tulad ni San Juan na sumandal sa Puso ni Jesus, sumandal rin nawa tayo sa Banal na Sakramento kung saan napakalapit natin kay Jesus! Sa Panginoong Jesus lamang  tayo makakakuha ng lakas upang maging matapat bilang mga Kristiyano. Lumapit nawa tayo sa Kanya at igalang Siya sa Banal na Eukaristiya.

Si Judas naman ay imahe ng pagtataksil para sa atin. Hindi lamang niya iniwan kundi ipinagkanulo pa si Jesus. At sa huli, sa halip na magbalik-loob ay pinili pa niyang magpakamatay, kaya't natapos ang buhay niya sa isa pang kasalanang mortal. Sa kwento ni Judas, nabibigyan tayo ng babala: ang pagsisisi sa kasalanan ay dapat pinapakita sa pagbabalik-loob, hindi sa paggawa pang muli ng kasalanan. Isang malaking insulto sa Diyos ang hindi pagkilala sa Kanyang awa.

Si San Pedro naman ay binalaan ni Jesus sa Ebanghelyo ngayon tungkol sa kanyang magiging kasalanan: ang pagtatwa sa Kanya. Ayun siya, bibo at sumasagot kay Jesus na tila ba he's on top of everything that's happening. Tila ba handang handa siyang mag-alay ng buhay para kay Jesus. Ngunit sa sandali ng kagipitan ay tinanggi niyang kilala niya si Jesus! Sa ating buhay, naiipit din tayo sa ilang mga pagkakataong kailangan nating sumagot sa tanong: Kristiyano ka ba? Sana "oo" ang sagot natin dito, sa lahat ng pagkakataon! Hindi pwedeng tanggalin ang pangalan ni Kristo sa ating pagkatao. Kapag walang Kristo sa isang Kristiyano, "ano" na lang ang natitira: simbolo ng pagkalito, kawalan ng Daan, Katotohanan at Buhay. Kristiyano Katoliko nga tayo, pero pagdating sa issue ng same-sex marriage, abortion, contraception at iba pang moral na usapin, kahit sa personal na lebel, nagiging "ano" na lang ang iba sa atin, itinatanggi na kilala nila si Kristo.


Sa kabila ng lahat, ang maganda sa kwento ni San Pedro ay nagsisi siya at nagbalik-loob. Alam niyang napakasaklap ng kasalanan niya. Ang Semana Santa ay isang magandang panahon para magbalik-loob, tulad ni Pedro. Sa Sakramento ng Kumpisal, hinihintay tayo ni Jesus upang magpakumbaba, kilalanin ang ating mga nagawang mali at makipag-ayos sa Kanya. Doon ay mararanasan natin at matututunan na kahit ano pang bigat ng kasalanan natin, mahal tayo ni Jesus at handa Niya tayong patawarin. Nais Niya tayong maligtas, kaya nga Siya namatay dahil doon.

Sa papalapit na Easter Triduum, inaanyayahan tayo ng Ebanghelyo ngayon na pagnilayan ang ating mga kasalanan at kawalang katapatan, talikuran ang mga ito at magbalik-loob sa Diyos sa Kanyang mga sakramento. Inaanyayahan din tayo ng Inang Simbahan na, tulad ni Juan, maging malapit kay Jesus lagi at samahan Siya sa mga darating na liturhikal na pag-alala ng Kanyang pag-aalay ng buhay para sa atin. Doon ay makikita at maririnig natin ang tibok ng Puso ni Jesus para sa atin, at malalaman natin kung gaano kamahal ang presyo ng ating kaligtasan: ang buhay ng Anak ng Diyos!

Wednesday, February 27, 2013

Sa Piling ng Panginoon


"Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas
sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo.” (Exodo 3:5)

            Ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at Siya ang lumikha ng lahat ng bagay na umiiral. Siya ay lubos na banal at dapat pag-ukulan ng paggalang. Maging ang mga tao at bagay na nauukol sa Kanya ay dapat ring igalang. Sa Biblia, inutusan ng Diyos si Moises na tanggalin niya ang kanyang mga panyapak dahil banal raw ang lupang kinatatayuan niya. Sa Tabernakulo, namatay sa apoy ang mga paring lumapastangan sa banal na ritwal na iniutos ng Diyos. Sa Bagong Tipan naman ay tinaboy ni Jesus ang mga magulong mangangalakal sa harap ng banal na templo. Malinaw na nahihiwalay ang mga bagay na banal, ang mga bagay na nauukol sa Diyos, sa mga bagay na karaniwan.

            Ang Diyos at ang mga bagay na nauukol sa Kanya ay tunay ngang dapat bigyan ng paggalang. Siya ang Kataas-taasan, iginagalang, nakaluklok sa Kanyang trono at dapat sambahin ng sangnilikha.

            Ngunit sa pagbukas natin ng mga unang pahina ng Bagong Tipan, isang nakagugulat na pangyayari ang ating matutunghayan. Ang Kataas-taasang Diyos, ang iniisip nating nasa langit ay nagpakababa. Pinakita Niyang hindi lamang Siya ang Diyos na “naroon sa kaitaasang langit”; Siya ay Diyos na malapit sa atin at sumasaatin. Naging tao ang Diyos at isinilang Siya ng isang babaeng nagngangalang Maria sa isang sabsaban. Anupa’t nakipamuhay nga ang Diyos kasama ng taong Kanyang nilikha.

            Sa pagkakatawang-tao ng Diyos na si Jesus ay inilagay Niya ang Kanyang sarili sa posibilidad na mabastos dito sa mundo. Gayunpaman ay naparito pa rin Siya dahil sa labis Niyang pagmamahal sa atin. Ngunit iyon na nga ang nangyari. Naparito Siya ngunit hindi Siya iginalang ng mundo. Bagkus ay kinamuhian Siya nito at sa kahuli-huliha’y pinatay. Ito ang isinukli ng mundo sa Diyos na sa labis na pagmamahal sa atin ay nagpakababa at naparito sa ating piling.

         Gayunpaman, nananatili ang espesyal na presensya ni Jesus sa mga kaibigan Niyang nanalig at nanatiling matapat sa Kanya. Bago Siya lumisan ay iniwan Niya sa kanila at sa atin ang isang katangi-tanging paraan upang mapasaatin Siya. Ito ay ang Eukaristiya o ang Banal na Misa. Sa bawat Misang pinagdiriwang natin, si Jesus ay sumasaatin sa isang espesyal na paraan. Oo, alam nating ang Diyos ay nasa lahat ng dako. Ngunit ang Misa ay katangi-tangi sapagkat dito ay nakikita ng ating sariling mga mata, sa tulong ng pananampalataya, ang Panginoong Jesus sa anyo ng tinapay. Ang tinapay at alak ay hindi lamang mga simbolo. Ang mga ito’y tunay na nagiging Katawan at Dugo ni Kristo sa Misa. Sa pagtaas ng pari sa tinapay at alak, nababago ito at nagiging si Kristo, bagamat tinapay at alak pa rin ang nakikita natin.



        Sa bawat Misa ay naisasa-ngayon ang nakapagliligtas na kamatayan ni Jesus. Hindi nauulit ang kamatayan ni Jesus, ngunit tunay na nadadala ito sa kasalukuyang panahon. Nagaganap sa ating harapan, at hindi lamang basta inaalala, ang kamatayan at ang buong Misteryo Paskal ni Jesus na isang beses lamang nangyari at tinatamasa natin ang kaligtasang dulot nito sa pagtanggap sa Kanya sa Banal na Komunyon. Ang lahat ng ito ay dahil lubos tayong mahal ng Diyos.

            Nakalulungkot nga lamang isipin na, tulad sa Kanyang pagkakatawang-tao, sa pagsaatin ni Jesus sa anyo ng tinapay ay muling nagkakaroon ng posibilidad na hindi Siya mabigyan ng karampatang paggalang. At nangyayari nga ito, lalo na sa panahon natin ngayon. Lalo pang nakalulungkot malaman na hindi lamang mga taga-ibang relihiyon ang lumalapastangan kay Jesus sa Eukaristiya. Maging ang ilan sa ating mga Katoliko ay hindi rin nakapagbibigay-galang kay Jesus, sinasadya man natin o hindi.

            Kung ating papansinin, marami sa mga gamit at ritwal sa ating Misa at sa mga liturhikal na gawaing kaugnay nito ay naglalayong mabigyang paggalang si Jesus na totoong sumasaatin sa anyo ng tinapay. Lumuluhod tayo kapag tinataas ng pari ang tinapay at alak dahil sa sandaling iyon nababago ang tinapay at alak at nagiging si Jesus. Ipinapatong ang kalis at lahat ng sisidlang naglalaman ng hostia sa isang espesyal na telang tinatawag na corporal upang dito mahulog ang mga maliliit na piraso ng hostia dahil ang mga ito’y nananatiling Katawan ni Kristo. Itinatago natin ang mga konsagradong hostia sa maringal na sisidlang tinatawag na tabernacle at pinananatili nating may sindi ang isang vigil lamp sa tabi nito bilang pagkilala sa presensya ni Jesus. Inilalagak din ang isang konsagradong hostia sa loob ng Adoration Chapel upang mabigyan tayo ng pagkakataong makapiling, igalang at sambahin si Jesus at idulog sa Kanya ang ating mga panalangin.



            Ngunit hindi lamang ang mga pari at ministro ang may tungkuling tiyakin na nabibigyan ng karampatang paggalang si Jesus sa anyo ng tinapay. Bilang mga mananampalataya ay mayroon din tayong mga dapat tandaan at gawin bilang paggalang sa Kabanal-banalang presensya ni Jesus sa Eukaristiya.

            Una, dapat nating ugaliing magsimba tuwing Linggo at pistang pangilin. Sa tuwing hindi tayo nagsisimba kapag Linggo ay hindi natin pinapansin ang paanyaya ni Jesus na makapiling Siya sa Eukaristiya. Pag-ibig ang dahilan kung bakit itinatag ni Jesus ang Sakramento ng Eukaristiya; nais Niya tayong makaisa. Ang pagdalo natin sa Misa nang may pag-ibig ang hinihintay na tugon ni Jesus mula sa atin.



            Ikalawa, hindi tayo dapat tumanggap ng Komunyon kung tayo ay nakagawa ng kasalanang mortal. Dapat ay tanggapin muna natin ang pagpapatawad ng Diyos sa Sakramento ng Kumpisal bago tayo tumanggap ng Komunyon. Simple lamang ang dahilan nito. Hindi tayo karapat-dapat na tanggapin si Jesus kung mayroon tayong kasalanang mortal. Ang mga maliliit na kasalanan natin ay maaaring mapawi sa Misa. Ngunit ang mga kasalanang mortal ay dapat ikumpisal bago tanggapin si Jesus sa Komunyon. Dapat ay malinis ang ating mga puso bago natin patuluyin si Jesus dito.


            Ikatlo, hindi tayo dapat kumain o uminom, liban ng tubig o ng mga gamot, isang oras bago tumanggap ng Komunyon. Ito’y isa ring paraan ng paghahanda ng sarili sa pagtanggap kay Jesus. Sa pag-aayuno bago ang Misa ay naipapahayag natin ang pakikiisa sa paghihirap ni Jesus na siyang inaalala natin at sumasaatin sa Misa. Bukod dito, sa pag-aayuno ay nabibigyang halaga natin si Jesus bilang Tinapay ng Buhay na kaiba sa karaniwang pagkain.

            Ikaapat, dapat tayong magsuot ng disente at tamang kasuotan sa simbahan. Marami nang nakapaskil na paalala sa paligid ng simbahan ukol sa tamang pananamit kapag nagsisimba, ngunit marami pa rin ang sumusuway dito. Ang simbahan ay lugar kung saan sumasaatin ang presensya ng Diyos sa Banal na Eukaristiya. Kaya’t sana ay manamit tayo ng naaayon sa karangalan ng Banal na Misang pinagdiriwang natin. Kung sa mga pormal na okasyon ay inaayos natin ang ating mga sarili upang maging kaaya-aya sa mga taong kakaharapin natin, higit tayong dapat manamit nang maayos sa pagpunta sa simbahan dahil Diyos ang kakaharapin natin dito. Iwasan sana natin ang pagsusuot ng shorts, mini skirts, sando, sleeveless, backless, plunging necklines, sombrero, sinelas at iba pang hindi nararapat sa loob ng simbahan. Sabihin man nating panlabas na bagay lang ang pananamit, sinasalamin pa rin nito ang malalim na paggalang at pagmamahal natin kay Jesus.


Sa Filipino: "Ito ay bahay ng Diyos at pintuan ng langit."
            Ikalima, higit na mainam kung sa Komunyon ay tatanggapin natin si Jesus sa bibig at hindi sa kamay. Mas maipapakita natin ang paggalang kay Jesus kung ito ang gagawin natin. Sa pamamagitan ng Komunyon sa bibig ay mas maiiwasan natin ang mga paglapastangan sa Banal na Eukaristiya. Sa Tradisyon ng Simbahan, ang pari lamang at ang mga ministro ang maaaring humawak sa mga konsagradong hostia. Bukod pa rito, itinuturo ng Simbahan na ang bawat bahagi ng konsagradong hostia, kahit ang mga maliliit na mumong nahuhulog mula rito, ay buong Katawan ni Kristo pa rin. Ito ang dahilan kung bakit humahawak ng Communion plate ang mga altar servers sa Komunyon – upang saluhin ang mga maliliit na bahagi ng konsagradong hostia na Katawan pa rin ni Kristo. Sa pagtanggap natin ng Komunyon sa pamamagitan ng kamay, may posibilidad na mahulog na lamang natin ang mga maliliit na bahaging ito; sa gayon ay nalalapastangan natin si Kristo, hindi man natin sinasadya. Kaya’t mas mabuti kung tatanggap tayo ng Komunyon sa bibig at hindi sa kamay. Maganda ring ugaliin ang pagtanggap ng Komunyon nang nakaluhod. Ang pagluhod ay isang napakagandang tanda ng paggalang kay Jesus, at patunay ng ating matibay na paniniwala na Siya nga ang tinatanggap natin. 



            Ikaanim, magandang ugaliin natin ang magdasal kay Jesus sa Adoration Chapel. Doon ay makakapiling natin si Jesus nang harapan at maiaalay natin sa Kanya ang lahat ng ating pasasalamat at mga panalangin. Pagkakataon din natin iyon na humingi ng kapatawaran kay Jesus para sa mga pagkakataong hindi natin pinapansin ang Kanyang presensya sa Banal na Eukaristiya at para sa mga paglapastangan sa Kanya sa sakramentong ito, tayo man ang gumawa o ibang tao.



            Ilan lamang ang mga ito sa mga paraan ng pagmamahal at paggalang kay Jesus na sumasaatin sa Eukaristiya. Nawa ay isapuso at isagawa natin ang mga ito.

            Labis ang pagmamahal sa atin ng Diyos kaya’t pinagkaloob Niya sa atin ang Eukaristiya upang makapiling natin Siya at matamasa natin ang kaligtasang dulot Niya. Nawa ay ibigay natin sa Kanya ang nararapat na paggalang. Huwag nating suklian ng kawalang paggalang ang ginagawang pagpapakababa ni Jesus upang mapasaatin lamang Siya sa Misa. Ang mga munting hakbang na nagpapakita ng paggalang kay Jesus ay hindi lamang dapat gawin dahil natatakot tayo sa Diyos o dahil iniuutos sa atin ito. Ang mga ito ay dapat ginagawa nang may pagmamahal, dahil ang Diyos ang naunang nagmahal sa atin. Pag-ibig at paggalang lamang ang tamang tugon sa pag-ibig at kaligtasang dala ni Jesus sa Eukaristiya.

Author's note: Ang article na ito ay unang nailathala sa newsletter ng isang parokya sa Makati na sakop ng Archdiocese of Manila.