|
Sa Transfiguration ay nakita si Jesus na pinagigitnaan nina Moises at Elias. Ipinakikita nito na si Jesus ang katuparan ng Kautusan (na kinakatawan ni Moises) at ng mga sinabi ng mga propeta (kinakatawan ni Elias). |
(Click
here para sa mga pagbasa ngayong Feb. 16, 2014, ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon)
Marami ang tumutuligsa sa Simbahang Katoliko sa tuwing nagsasalita ito sa mga isyu tungkol sa moralidad - tungkol sa contraception, homosexuality, abortion at marami pang iba. Sa palagay yata ng mga tao ay tungkol lang sa doktrina, pagdarasal at pagsamba ang Kristiyanismo. Ngunit nagkakamali sila. Christianity, and in fact, all religions, is not just about teachings, prayer and worship. Chrisitanity is lived. Isinasabuhay ito. Ang pananampalataya, ang mga sakramento at ang pananalangin ay dapat magdala sa atin sa isang buhay ng pagtalima sa kalooban ng Diyos.
Sa Ebanghelyo ngayon ay nagsalita si Jesus tungkol sa mga kautusan. Sa pagdating ni Jesus at sa pagbubukas natin ng mga pahina ng New Testament, hindi nawawalang bisa ang mga kautusan ng Diyos. Kung tutuusin, mas itinaas pa nga ni Jesus ang standards ng pagsunod sa kautusan. Kung iniuutos na masama ang pumatay, ipinaaalam sa atin ni Jesus ngayon na nakapapatay rin ang ating mga salita. Kung iniuutos naman na masama ang pangangalunya, sinasabihan tayo na masama rin ang kalaswaan kahit sa isip lang. Dapat ang kabutihan ay sa isip, sa salita at sa gawa. Ganun talaga ang pagiging Kristiyano - mataas ang standards. May mga utos tayong sinusunod, ang mga utos ng Diyos na para din naman sa ating kapakanan at ikabubuti.
Ipinaaalala sa atin ni Jesus na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay hindi lang dapat maging simpleng mekanikal na pagsunod. At hindi rin naman tayo dapat magpanggap lamang na sumusunod samantalang naghahanap ng paraan para "malusutan" ang mga kautusan. Ang mga gumagawa nito ay yung mga eskriba at Pariseo at ayon kay Jesus, mas mataas dapat ang standard ng moralidad natin sa kanila. Ang pagsunod natin sa mga utos ng Diyos ay dapat maging tulad ng pagkamasunurin ni Jesus. Sumusunod Siya nang buong puso sa kalooban ng Ama dahil sa pagmamahal.
Malaki dapat ang pasasalamat natin sa Diyos para sa Simbahang Katoliko na hanggang ngayon ay inaakay tayo sa tunay na buhay Kristiyano. Ang Simbahan ay hindi "nag-iimbento" ng mga utos. Ang mga turo ng Simbahan tungkol sa moralidad ay tunay na nagmumula sa mga turo ni Jesus. May awtoridad ang Simbahan sa aspetong ito dahil sinabi ni Jesus sa mga Apostol na anumang ipagbawal o ipahintulot nila sa lupa ay tunay na ipinagbabawal o ipinahihintulot sa langit (Mateo 18:18). Kaya't kapag may tinuturo ang Simbahan, mali ang pangangatwiran ng iba na "Simbahan lang ang nag-uutos niyan at hindi ang Diyos."
Sa panahon ngayon kung kailan ang pagsunod ay tinitingnan bilang kawalan ng kalayaan, pinaaalalahanan tayo ng mga pagbasa na ang pagsunod natin sa Diyos ay isang malayang pagpili ng kung ano ang mabuti, ng kung ano ang nagbibigay buhay. Ang pagpili sa kasalanan ay hindi kalayaan dahil ang kasalanan ay nang-aalipin. Tunay bang malaya ang isang taong laging nakikipagtalik sa kung kani-kanino? Hindi. Alipin siya ng kahalayan niya. Malaya ba ang isang mayamang walang pakialam sa ibang tao? Hindi. Alipin siya ng kayamanan niya.
Hinahamon tayo ng Ebanghelyo ngayon na isabuhay ang mga utos ng Diyos nang buong puso at sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ito naman talaga ang saysay ng pagiging Kristiyano. Tinubos tayo ni Jesus upang palayain mula sa pang-aalipin ng kasalanan patungo sa buhay ng pagsunod sa Diyos, ang tunay na ganap at kasiya-siyang buhay.