Click: (Readings for the Solemnity of the Most Holy Trinity)
Iisa lang ang Diyos, ngunit may Tatlong Persona. Marahil kakaiba ito sa pandinig o sa lohika ng mga 'di Katoliko. Paano nga naman nangyaring ang tatlo ay isa lang? Bilang mga Katoliko, naniniwala tayo sa doktrina ng Holy Trinity o Santisima Trinidad. Inihayag sa atin ng iisang Diyos ang katotohanang ito: Siya ay Ama, Anak at Espiritu Santo. Sumasampalataya tayo dito dahil ito ay mula sa Diyos, kahit pa hindi natin ito ganap na maunawaan.
Sa kasaysayan ng ating kaligtasan ay unti-unting inihayag ng Diyos ang Kanyang sarili bilang Trinity. Sa simula pa nga lamang ay mayroon nang pahiwatig ng katotohanang ito: "Likhain natin ang tao... (Gen 1:26, akin ang pagdiriin)". Kumikilos ang Diyos all throughout salvation history as Trinity. Nilikha tayo ng Diyos Ama. Niligtas tayo ni Jesus, ang Diyos Anak. Pinababanal at ginagabayan naman tayo ng Diyos Espiritu Santo.
Ang Tatlong Persona ng Holy Trinity ay isang komunidad ng pag-ibig. God is love. The Father, Son and Holy Spirit love each other. Nais ng isang Diyos na maging bahagi rin tayo ng Kanyang divine life of love. Sa Ebanghelyo ngayon, narinig nating sinabi ng Diyos Anak na gagabayan ng Diyos Espiritu Santo ang mga alagad Niya at ihahayag sa ating mga Kristiyano ang katotohanang mula sa Diyos Ama. Diyos nga ang lumikha, nagligtas at patuloy na gumagabay sa atin. At ang patutunguhan natin ay walang iba kundi ang Diyos din. Ang makapiling ang Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo ang layunin ng bawat Kristiyano at siya rin namang kaganapan ng salvation history.
Ang Santisima Trinidad din ang imahe ng layunin ng Diyos para sa mga tao, lalo't higit para sa mga Kristiyano - ang maging isa. Pagkakaisa ang isa sa mga panalangin ni Jesus para sa atin bago Siya pinako sa krus. Itinatag Niya ang Simbahang Katoliko bilang sakramento o tanda ng Kanyang kaligtasan. Bilang pamayanan ng mga nananampalataya sa Diyos, dapat nating pahalagahan ang ating pagkakaisa, ang ating pakikitungo sa ating kapwa, kahit hindi pa Kristiyano. Dapat din tayong maging isa sa pananalig, pananalangin at pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Nagagawa natin ito sa pamamagitan ng ating tapat na pagtalima sa mga turo ng Simbahan in matters of faith and morals, at sa ating pakikiisa sa pagsamba sa Diyos, lalo na sa Banal na Misa.
Sa ating pagkakaisa bilang Simbahan, sama-sama tayong naglalakbay at ginagabayan ng Diyos patungo sa Kanya: pinagkakaisa upang maging kaisa rin ng Banal na Santatlo.
Glory be to the Father, and to the Son, and to the Holy Spirit, as it was in the beginning, is now, and ever shall be world without end. Amen.